Kapunungan han Gudti nga Parag-uma ha Weste han Samar (KAPAWA)
Oktubre 2, 2010

NO TRESPASSING!” ITO ANG KARATULANG SUMALUBONG KAY TATA LADYING, ISANG MAGSASAKA sa isla ng Homonhon, Eastern Samar, nang magtungo siya isang umaga sa lupang kanyang sinasaka, dalawang taon na ang nakararaan. Sa ibaba ng “No Trespassing” ay isa pang mas maliit na karatula na ang nakalagay naman ay “CMC.” Agad na nagtanung-tanong si Tata Ladying hanggang makaabot sa sentrong bayan malaman lamang ang punu’t dulo ng misteryosong mga karatula. Halos pagapang na umuwi ang bigong magsasaka. Ang ibig sabihin pala ng CMC ay Cambayas Mining Corporation, isang dayuhang kumpanyang naggugumiit sa ligal di umano nitong mandato na ihanda para sa pagmimina ng chromite ang ilang lupain sa isla, kasama na ang parsela na noong 1992 pa ay binubungkal na ni Tata Ladying. Simula sa araw na iyon ay mahigpit na raw na ipinagbabawal sa nasabing lupain ang kawawang magsasaka.
ANG MALAKIHANG DAYUHANG pagmimina ay isang tuwiran at mahigpit na usapin ng magsasaka. Kabaligtaran ng ipinangangalandakan ng malalaking dayuhang negosyante sa pagmimina at ng kanilang lokal na mga kasosyo at opereytor (kasama na ang kanilang mga tagapagsalita at tagapagtanggol sa pambansa at lokal na gubyerno) hindi ito makapaghahatid ng anumang makabuluhang biyaya o kaunlaran. Hindi sa bansa, hindi sa rehiyon at probinsya, hindi sa mamamayan sa kalakhan. At lalung hindi sa magsasaka.
Lagi’t laging kakambal ng dayuhang pagmimina ang kagyat at pangmatagalang mga banta sa lupa, kabuhayan, pagkain at kalusugan ng mga komunidad sa kanayunan. At sa panahong ang mga magsasaka ay nagbubuklod at naninindigan upang ang mga ito ay ilantad at labanan, sumasambulat ang banta ng panunupil at pandarahas. Ang mapanirang mga epekto sa natural na kapaligiran at ang ibayong pagpapalala sa panlipunan at pang-ekonomyang mga kalagayan ay isang dambuhalang bato na walang ibang higit na pumapasan kundi ang hikahos, gutom at sinusupil na sektor ng magsasaka.

BANTA SA LUPA , KABUHAYAN, PAGKAIN AT KALUSUGAN
SA PAMAMAGITAN NG Philippine Mining act of 1995, ang malakihang dayuhang pagmimina sa bansa ang siya na ngayong isa sa pinakamasaklaw, agresibo at sistematikong ligal na paraan ng pangangamkam ng lupa. Ayon sa batas, ang mga dayuhang korporasyon sa pagmimina ay may karapatang paalisin ang sinumang naninnirahan o nagtatrabaho sa saklaw na erya ng mga konsesyon. Bagaman may itinatakdang mga probisyon para sa isang sistemang nag-oobliga sa mga korporasyon ng kaukulang kompensasyon para sa mga mapapaalis, sa kalakhan at kahuli-hulihan ay talo ang magsasaka. Bukod sa pambabarat ng mga korporasyon, hindi biro para sa dati nang naghihirap na magsasaka ang mawalan ng lupa, mahugot sa kanyang kapaligiran, at ibayong masadlak sa kawalang-kasiguruhan.
Kung ang magsasakang nasa lupang hahagipin ng konsesyon ay tenante (at ito ang mas karaniwan dahil mas marami sa mga magsasaka ang nakikisaka lang), hindi siya makasisiguro na may tatanggapin kahit katiting bago paalisin. Hindi sa kanya makikipagtawaran ang representante ng korporasyon kundi sa panginoong maylupa. Kapag nabayaran na ng mahusay-husay na halaga ang panginoong maylupa, wala itong obligasyong bahaginan ang tenante. Hindi na nga makita ng maralitang tenante ang pag-asa sa pagkakaroon ng sariling lupa na matagal nang ipinangangako ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), matatanggalan pa siya ng karapatang magbungkal.
Dahil sa dayuhang mga korporasyon sa pagmimina, napapabilis ang pagbawi sa lupa ng mga magsasakang nagawaran na ng Department of Agrarian Reform (DAR) ng certificate of land ownership award o cloa alinsunod sa CARP. Sinasabing “napapabilis” dahil kahit wala pang konsesyon sa pagmimina, may iba pang mga paraan ang DAR, Land Bank, ang malalaking panginoong maylupa at dayuhang kapitalista sa agrikultura, para dahan-dahang pawalang-bisa ang cloa kahit matagal nang nakakapaghulog ng amortisasyon ang magsasaka.
Ilang taon nang nagtatambalan ang CARP (sabihin pang sa ngayon ay nakabinbin ang extension nito) at ang Mining Act laban sa magsasaka. Habang tuluy-tuloy ang pagpapakitid ng CARP sa saklaw ng mga lupaing maaaring maipamahagi, kasabay ng pagbawi sa dati nang naipasailalim sa mabuway na mga kasunduan sa distribusyon, pinalalawak naman nang halos walang sagka, sa pamamagitan ng Mining Act, ang lupaing maaaring ipagamit sa malakihang dayuhang pagmimina at ipagkait sa mga magsasaka. Ang pinag-uusapan dito ay libu-libong ektarya ng mga konsesyon kada probinsya. Sa Western Samar, 16,397 ektarya ang kabuuang sukat ng kalupaang inaprubahan na ng Mines and Geosciences Bureau para minahin ng tatlong korporasyon. May limang aplikasyon pa na sumasaklaw sa kabuuang 20,649 ektarya ang hinihintay pang maaprubahan. Sa ganitong latag, buu-buong mga komunidad ng magsasaka ang sa katunaya’y maaring mapaalis.
May mga nakasaad sa batas tungkol sa mga itinatakdang limit sa kung alin sa kalupaan at karagatan ng bansa ang hindi maaaring galawin ng mga dayuhang korporasyon. Subalit marami itong kalabuan at maaaring maging napaka-bukas sa iba’t ibang interpretasyon at paghahanap ng lusot at butas. Pansinin halimbawa ang binabanggit sa Revised Implementing Rules and Regulations ng Mining Act— ipinagbabawal subalit kung may kumpletong mga dokumento, rekomendasyon at iba pang rekisitong papel, maging ang sementeryo ay pwedeng hukayin. Sakaling ang isang lolong magsasaka na dahil sa labis na pagdaramdam sa ginawang pagpapalayas sa kanya ng konsesyon ay magkasakit hanggang tuluyang mamatay— mamatay kaya siyang muli sa sakit at sama nang loob kung sa kanyang puntod ay palayasin?
SA SAMAR, GAYA ng sa iba pang probinsya, ang produksyon ng karaniwang pamilyang magsasaka para sa kita at pagkain ay lubhang napakababa. Bunsod ito pangunahin ng atrasadong teknolohiya at hiwa-hiwalay na pagsasaka, ng nagpapatuloy na kawalan ng sinsero’t pang-matagalang suporta ng gubyerno, at ng mas dumadalas ngayong pagsasalimbayan ng bagyo at tagtuyot. Kung hahayaang kaliwa’t kanang makapamayagpag ang pagmimina, lalu pa itong maitutulak paibaba.
Ang mga lupang pansakahan, hindi lamang sa loob ng perimetro ng mga minahan kundi sa mas malawak pang saklaw na maaaring abutin ng iba’t ibang tipo ng basurang kemikal, ay mailalagay sa tiyak na panganib ng pagkabaog. Sa malao’t madali ay makokontamina at tataas ang siltation ng mga ilog na nagsasanga-sanga sa mga bulubundukin patungo sa mga lawa at dagat; bukod sa problema sa mapagkukunan ng inumin at irigasyon, pihadong apektado rin ang pangingisda at iba pang katulad na hanapbuhay. Maging ang tubig ulan, na pangunahing inaasahan ng karamihan para sa patubig ay hindi rin ligtas sa kontaminasyon at kung gayo’y posibleng makapagpabansot sa mga pananim, lalu na kung makapanunuot na sa ere ang tinatawag na mga toxic metal. Gayundin, dahil sa kontaminadong lupa, tubig at hangin, malamang na humina ang resistensya ng mga hayop na pantrabaho sa sakahan hanggang sa tuluyan nang maging sakitin..
Mababawasan nang malaki ang karaniwang pinagmumulan ng dagdag na kita at pagkain. Ang pangangaso, pangangalap ng yantok, ligaw na mga bunga at iba pa, bukod sa ipagbabawal na sa mga kagubatang sakop ng mga konsesyon, ay tuluyan nang mawawalan ng batayan dahil konsiderableng bahagi ng buu-buong mga gubat na ito ang tuwirang papatagin. Hindi na rin magiging kapaki-pakinabang ang maliitang pamumuhunan sa baboy at iba pang palakihing hayop sa pagtindi ng polusyon.
KUNG ANG MALAKAS at malaking kalabaw ay namemeligrong magkasakit dahil sa polusyon mula sa pagmimina, paano pa kaya ang amo nitong magsasaka? Dahil sa salik ng kahirapan at kasalatan ng pagkain sa kanayunan, napakabulnerable ng mga pamilyang magsasaka sa mga banta sa kalusugan na hatid ng malakihang dayuhang pagmimina.
Napakataas ng tantos ng kakulangan sa nutrisyon ng mga bata, kabataan at ina sa Western Samar. Nasa unang lima ang probinsya sa huling istadistika ng mga probinsyang may pinakamalalang insidente ng malnutrisyon. Gasgas at bugbog ang mga katawan ng magsasaka sa araw-araw na pakikipagsapalaran sa produksyon. Lantad din sila sa mga kemikal na ginagamit bilang input sa sakahan. Sa kabila ng mga ito ay walang naaasahang serbisyong medikal at pangkalusugan ang gobyerno. Napakalayo ng mga ospital, napakamahal ng mga gamot, at napakabihira ng mga duktor at manggagawang pangkalusugan.
Ito ang mga kondisyong higit na palulubhain ng malakihang dayuhang pagmimina sa kanayunan. Dadalhin ng mga konsesyon sa mga komunidad ng magsasaka ang nakamamatay na mga impeksyon sa baga, pangmatagalang allergy sa balat, at iba’t ibang kakatwang tipo ng kanser at mala-kanser. Ang pagkalason naman ay magmumula hindi lamang sa direktang paglanghap at paghawak sa mga kemikal kundi sa di maiiwasang paghalo ng iba’t ibang elemto gaya ng chromite sa suplay ng tubig o sa tinatawag na kadena ng pagkain. Paano’ng sasabihin ng Department of Health na bawal magkasakit kung sa kanayunan ay hindi ipinagbabawal ang malakihang dayuhang pagmimina?
SA IBA’T IBANG antas, ang lahat ng ito ay dinanas at patuloy na dinaranas sa Hinabangan, Western Samar, kung saan dating nakatayo ang Bagacay Mine. Hanggang sa ngayon, hindi pa rin napanunumbalik ang mahusay na kalidad ng lupa kahit 1992 pa nang iabandona ng Philippine Pyrite Corp. ang operasyon doon, matapos magpakasasa (kahalinhinan ang Marinduque Mining and Industrial Corp.) sa deposito ng copper at pyrite sa loob ng 36 taon.
Nagkalat doon, lagpas pa sa 137-ektaryang perimetro ng dating minahan, ang latak ng mga asido sa ila-ilalim ng lupa at sa nagdurugtungang mga kanal. Ayon sa mga eksperto mismo ng DENR, mangangailangan pa mula ngayon ng humigit-kumulang sampung taon bago ito malinis, at isa pang sampung taon bago muling magamit sa agrikultura. Kung susumahin, mula nang mag-umpisa ang Bagacay Mine noong 1956 hanggang sa panahong tinatayang malulubos ang rehabilitasyon, tatambad ang halos 75 taon ng nagpapatuloy na pagkakait ng lupa at kabuhayan sa kung ilang henerasyon ng naghihikahos na magsasaka. Huwag nang banggitin pa na sa panahong nakatayo pa ang minahan, inilugmok nito ang mga manggagawa, matanda at bata, sa napakababang sahod at kawalan ng benipisyo, sa kabila ng gasgasan, peligroso at nakamamatay na pagtatrabaho. Samantala, ilang taon na ring hindi napakikinabangan ng mga mangingisda ang Taft River sa karatig na probinsya ng Eastern Samar— dahil sa tone-toneladang lason na nagmula sa Bagacay Mine, itinuturing na ngayon itong patay. Nasaan ang biyaya? Nasaan ang kaunlaran?

Ang mga ito o higit pa ay totoong maaaring maranasan sa marami pang bayan sa Western Samar na patuloy ngayong tusong ginagapang ng mga dayuhang korporasyon at ng kanilang nakatago at litaw na mga ahente sa sektor ng kalakalan at industriya at maging sa kinauukulang mga ahensya ng pamahalaan at lokal na administrasyon. Ito ay sa kabila ng napagtibay nang ordinansang pambrobinsya (Ordinance 541) noon pa mang 2003 na nagtatakda ng moratorium sa malakihang pagmimina sa buong Western Samar sa loob ng 50 taon.
Matagal nang nakapuwesto sa katunayan ang ilang temporaryong mga pasilidad ng mga korporasyon na pana-panahon ay sumusulpot sa nasabing mga bayan para di umano sa ilang preliminaryong prosesong pang-eksplorasyon. Pangunahin sa mga ito ang Alumina Mining of the Phil., Inc. (AMPI) at ang Bauxite Resources, Inc. (BRI) na nakatayang todo-buwelong mag-operasyon sa mga bayan ng San Jose de Buan, Matuguinao, San Jorge, Gandara Motiong, Paranas, at muli na naman, sa Hinabangan.
Sa kasalukuyan, nangangamba ang mga mamamayan sa buong Jiabong lalu na ang mga magsasakang umaasa sa industriya ng tahong na tiyak na maaapektuhan sa oras na largado na ang minahan ng manganese sa mahigit 2,000 ektaryang konsesyong sumasaklaw sa mga barangay ng Bawang, Salvacion at San Miguel. Labas dito ay may nakapila pang ibang mga korporasyon na nakatakda namang mag-operasyon sa Basey at sa Malajog, Calbayog.

BANTA NG PANUNUPIL AT KARAHASAN
MATAGAL NANG HINAING ng mga magsasaka ang nagpapatuloy na militarisasyon sa kanayunan. Ang regular na mga operasyong militar sa mga barrio at ang pagtatayo ng tinatawag na mga SOT (special operation team) ay lagi nang nakagagambala o tuwirang pumipigil sa gawaing produksyon ng mga magsasaka lalu na kung humahantong sa mga ebakwasyon. Naghahatid ito ng sindak at aktwal na pisikal na dahas sa walang-salang mamamayan.
Ang mga ito ay mas dumadalas at ibayong nagiging mabangis sa mga panahong ang mga magsasaka, sa pamamagitan ng iba’t ibang ligal na samahan at kooperatibang magbubukid ay nagiging aktibo sa pagsusulong ng demokratikong mga interes. Isang padron na nga na tuwing ang mga samahang ito ay may ikinakasang mga kampanya halimbawa sa pagpapababa ng upa sa lupa o pagpapataas sa presyo ng kanilang mga produkto (o maging ang mga aktibidad sa sama-samang produksyon), maaasahang tiyak na susulpot ang mga operasyon.
Ang kasalukuyang pakikiisa ng kilusang magbubukid sa Western Samar sa iba’t ibang sektor para ilantad at tutulan ang malawakang dayuhang pagmimina di lamang sa probinsya kundi sa buong rehiyon ay tiyak na tatapatan ng panunupil at karahasan. Ang di na mabilang na operasyong militar sa mga barrio ng mga bayan ng San Jose de Buan, Matuguinao, San Jorge, Gandara Motiong, Hinabangan at Paranas, sa nakalipas na huling sampung taon, ay hindi lamang nasa konteksto ng pagpapatupad sa tinatawag na Oplan Bantay Laya ng AFP para di umano sa ultimong pagsugpo sa insurhensiya, kundi maaari na ring ituring na bahagi ng estratehikong clearing operation para sa pagpasok ng pagmimina.
Samantala, ilan na bang lider magsasaka na nagboses ng paninindigan hinggil sa isyu ng pagmimina ang nakaranas ng iba’t ibang porma ng panunupil at karahasan? Si Dario Tomada, bago iligal na inaresto at tinortyur nito lamang Hulyo, ay isa sa pinak-artikulanteng tagapagtuligsa ng dayuhang pagmimina, bilang tagapangulo ng Samahan han Gudti nga Parag-uma ha Sinirangan Bisayas (SAGUPA-SB). Kasalukuyan siyang nakakulong at may kinakaharap na gawa-gawang mga kasong kriminal. Sa ganitong mga punto, ang pagmimina, para sa magsasaka, ay di na lamang usapin ng kabuhayan, pagkain at kalusugan— tahasan na itong usapin ng karapatang pantao.

ANG PAGTATANGGOL SA KALIKASAN
AT ANG MAKABAYAN AT DEMOKRATIKONG KILUSAN NG MAGBUBUKID

LUBOS NA NAGAGALAK ANG KAPUNUNGAN HAN GUDTI NGA PARAG-UMA HA WESTE HAN SAMAR o KAPAWA, at ang buong kilusang magbubukid sa propinsya sa pakikipagkaisa nito sa malapad na hanay ng iba’t ibang sektor indibidwal na dahil sa tapat na layuning ipagtanggol ang kalikasan ay mariing tumutuligsa ngayon sa malakihang dayuhang pagmimina sa Western Samar at sa buong rehiyon. Sino nga ba sa ating mga kababayan sa panahong ito ang nagdadalawang-isip pa sa malagim na epekto ng walang-habas na pang-aabuso sa kapaligiran, lalu’t batid at damang-dama na ng nakararami ang papatinding hambalos ng radikal na pagbabago ng klima sa buong daigdig? Kumbaga, itinutulak ng panahon— ng masamang panahon— ang bawat isa sa atin na magkaroon ng tinatawag na diwang environmentalist o maka-kalikasan. Anu’t anuman, napakainam na pagkakataon ang kasalukuyang mga porum, debate, mobilisasyon at iba pang katulad na mga aktibidad at pagkilos hinggil sa isyu ng pagmimina upang ibayo pang mapalalim ang diwang ito ng environmentalism at ang paksa ng pagtatanggol sa kalikasan, lalu’t kung maitatambal sa paninindigang makabayan at maka-mamamayan.
MARAMING ARAL ANG maaari nating makuha sa pagsubaybay sa di matinag, animo’y walang-pakialam na paggugumiit ng malalaking dayuhang kumpanya na hukayin ang buong isla para sa mina; sa kabila ng umiiral na mga batas, ordinansa, at alituntunin na naglilimita o kundi ma’y nagbabawal dito, at sa harap ng malawak at sustenidong pagtuligsa ng iba’t ibang sektor.
Agad-agad, napabubulaanan ang isang malaganap na opinyon na kung tututuusin, di umano, ang lahat (o ang sinasabing “karaniwang tao” ayon pa sa isang kanta) ay may pananagutan sa pagkakabulabog sa balanse ng kalikasan. Hindi nga ba’t, kaugnay nito, hindi lang iilan ang nagpapakalat na ang prinsipal daw na dapat sisihin ay ang iba’t iba di umanong mangmang na kaparaanan ng mga magsasaka gaya ng pagkakaingin, o ang mga maralitang lungsod dahil daw sa salaula nilang pagtatapon ng basura?
Sa halip, sa pagkakataong ito, nabibigyan ng mas matingkad at kongkretong pagpapatotoo ang ganitong pagsusuri: na higit kanino man, ang sadya, sistematiko at sagad-sagarang naglalagay sa panganib sa kinabukasan ng kapaligiran ay ang dambuhalang internasyunal na mga korporasyon sa industriya gaya ng sa pagmimina, na sa gitna ng walang-pakundangang pagpapaligsahan para sa dambuhalang tubo ay naisusugal maging ang planeta. (Sino sa pambihirang mga entidad na nasa likod ng mga korporasyong ito ang maaari nating tawaging kapwa natin “karaniwang tao”?)
Mahalagang matukoy na ang pagpapahintulot at maging ang masugid na pag-eengganyo sa malakihang dayuhang pagmimina, sa esensya, ay isang mayor na bahagi ng batayang patakarang pang-ekonomya at pangkaunlaran ng pambansang pamahalaan. Matapat at eksakto lamang itong umaayon kapwa sa prinsipyo ng malaya o walang-sagkang pagpapapasok sa dayuhang pamumuhunan at sa inaakong papel ng bansa sa pandaigdigang kalakalan bilang tagapagluwas ng hilaw na materyales.
Ang dayuhang kapital ay lagi nang sinasabing susi daw sa paglikha ng trabaho at pagpapasigla sa komersyo na inaasahan namang makapagbibigay-daan para sa pagtatayo at pagpapalakas ng sariling mga industriya. Samantala, ang pagtuon sa eksport ng hilaw na materyales mula sa produksyong agrikultural at pagmimina ay itinuturing na siyang pangunahing mapagkukunan ng pambansang kita para sa pag-aangkat ng mga produktong pangkonsumo at input sa agrikultura, manupaktura at industriya.
Subalit walang ibang ipinamamalas ang mahabang rekord ng pagpapatupad sa mga patakarang ito kundi ang nagsasalimbayang mga padron ng nagpapatuloy na pagka-atrasado ng ekonomya at kawalan ng kaunlaran. Ang dayuhang pagsasamantala sa murang lakas paggawa at serbisyo ng manggagawang Pilipino, sa gitna ng papalalang tantos ng disempleyo. Ang pagkalugi ng lokal na produksyon sa manupaktura at agrikultura. Ang pagkabalaho ng pagtatayo ng makabuluhang pambansang mga industriya, kundi man ang paglamon sa mga ito ng dayuhang mga korporasyon. At, syempre pa, ang pagkasaid at pagkakait sa mamamayan ng likas na yaman ng bansa, katambal ng pamiminsala sa kalikasan.
Hindi maiiwasan sa isang mapagsiyasat at mapanuring environmentalist na tindig laban sa pagmimina ang seryosong pagharap sa mga usapin ng dayuhang kontrol sa pambansang ekonomya. Ang malalim na ugat nito sa kasaysayan ng dayuhang pananakop. Ang nagpapatuloy na pagkatali ng bansa sa interes ng dayuhang kapangyarihan. Ang pagsusunud-sunuran at pakikipagsabwatan ng pamahalaan bilang kinatawan ng malalaking pambansang kapitalista at panginoong may-lupa na may katugmang interes at ganansya sa mga layunin ng dayuhang kapital. Ang mga ito ang mga kontekstong dapat isaalang-alang at sapulin upang lubos na maunawaan kung paanong nakapaghahari-harian sa probinsya, rehiyon at bansa ang dayuhang mga kumpanya sa pagmimina.
Ang Philippine Mining Act of 1995 at ang iba pang kalakip at kaugnay na mga batas, ay ipinasa at ipinatutupad ng pamahalaan sa tuwirang dikta ng US kaugnay ng liberalisasyon at deregulasyon sa kalakalan, kung saan halos eksklusibong inirereserba ang kabuuan ng yamang pwedeng minahin at ang kalupaang kinalalagyan ng mga ito para sa mga dayuhang mamumuhunan. Nariyan ang iba’t-ibang pakete ng mga insentibo gaya ng pagbibigay ng tinatawag na tax holiday o ang pagpapataw lamang ng pinaka-minimal na buwis para sa mga kumpanya sa pagmimina sa loob ng hanggang 10 taon. Nariyan din ang walang-kondisyong pagkilala sa karapatan ng mga dayuhang kumpanya na buung-buong i-remit o hugutin palabas ng bansa ang 100% ng kanilang tubo at kapital kung kailan man nila naisin. Gayundin ang pagkilala sa karapatan nilag angkinin ang anumang tubig o trosong nasa loob ng konsesyon, at itaboy ang sinumang nakatira sa saklaw ng kanilang perimetro.
Sa kabilang banda, bagaman may ligal na mandato, walang aktwal na pampulitika o moral na ngipin ang kinauukulang mga ahensya sa iba’t ibang antas gaya ng Department of Energy and Natural Resources (DENR) at ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) at iba pa. Hindi kayang obligahin ng mga ito ang mga kumpanya na tumalima sa mabuway na ngang mga balangkas ng alituntunin na naglilimita sa mapang-abusong kaparaanan ng pagmimina. Sa kalakhan, ang tungkulin lamang naman ng mga ahensyang ito ay isistematisa ang mga rekord ng mga aplikasyon ng mga kumpanya, ang iskedyul o relyebuhan ng mga operasyon, at ang mapping ng mga konsesyon. Sa esensya, instrumento lamang din ang mga ito para matiwasay na makapag-operasyon ang pinakamaraming posibleng bilang ng dayuhang kumpanya sa pagmimina at mapasilita ang mahusay na sosyohan ng mga ito sa pambansa at lokal na mga kasapakat.
Ang mga lokal na mga ordinansa na naglilimita o direktang nagbabawal sa malakihang dayuhang pagmimina, gaya ng Ordinance 541 para sa 50-taong moratorium na magiting na ipinanawagan ng mamamayan ng Western Samar at ipinasa ng sangguniang panlalawigan nito noong 2003, ay lagi’t lagi nang target ng mga tusong ligalistang pambabaluktot at paghahanap-butas. Isa, halimbawa, sa unang mga paratang ng mga abogado ng mga kumpanya sa Ordinance 541 ay ang pagiging unconstitutional di umano nito. May mas agresibong mga paraan ding ginagamit gaya ng pagmomobilisa sa kakuneksyong mga personahe na may impluwensya at kapangyarihan sa negosyo, sa pambansang burukrasya, sa korte, at maging sa militar, para brasuhin o di kaya’y suhulan ang lokal na mga upisyal.
Ang laban, kung gayon, sa malakihang dayuhang pagmimina para sa preserbasyon ng kalikasan ay nagiging mas kumprehensibo, matalas at makabuluhan kung epektibong mabibigyang-diin ang prinsipal na pananagutan ng internasyunal na kapitalistang kompetisyon sa pagkasira ng kalikasan; ang kaugnayan nito sa matagal nang umiiral na di pantay at mapagsamantalang relasyon ng bansa sa dayuhang mga kapangyarihan; at ang iba’t ibang kaparaanan ng pambansa at lokal na mga pinuno, malalaking negosyante at panginoong may-lupa, sa buu-buong pagsusubasta sa mga dayuhan ng ating pambansang patrimonya. Ang pagtatanggol sa kalikasan, kung gayon, sa malao’t madali, ay nangangailangan ng isang makabayang paninindigan.
ISA SA BINABANGGIT na layunin ng Ordinance 541 kung bakit kailangan ang 50 taong moratorium sa malakihang pagmimina ay ang mapangalagaan at mabigyan ng santuaryo o ligtas na kalalagyan sa kagubatan ang tinatawag na mga endagered specie ng Samar; mga nilalang na lubhang nanganganib na mawala o malipol dahil sa degradasyon ng ekolohiya, gaya ng Philipppine Tarsier, Philippine Eagle at Philippine Cockatoo. Kung babalikan ang una nang tinalakay tungkol sa kung paano’ng ang pagmimina ay nagiging banta sa kabuhayan, pagkain, kalusugan at karapatang pantao, makapagdadagdag tayo marahil ng isa pa— ang Philippine Peasant.
Walang duda, sa lahat ng sektor ng lipunan, sa Samar at buong bansa, ang pinaka-tuwiran at pinakamatinding hinahagupit ng malakihang dayuhang pagmimina ay ang magsasaka.
Bukod sa nauna nang binaybay na mga epekto ng pagmimina sa mga magsasaka, mahalaga ring maipunto na sa tuwing dumarating ang papadalas na ngang serye ng mga kalamidad na hatid ng climate change, ang mga magsasaka ang sa kalakha’y siya ring pinaka-unang nahahagip at pinakamalalang nasasalanta. Bagaman nitong huling mga taon ay namalas natin kung paano sinuong ng mga kapatid nating manggagawa at maralita ang pambihirang distroso ng baha sa mga kalunsuran, sadyang di matatawaran ang malaganap, malalim at iba’t ibang tipo ng mapangwasak na epekto ng malalakas na bagyo sa buhay at kabuhayan ng mga magsasaka sa kanayunan.
Nariyan ang pagguho ng tipak-tipak na bahagi ng mga bundok at ng pagtabon ng makakapal na putik at dambuhalang mga bato sa mga komunidad. Nariyan ang mabilis na paglaki’t pag-apaw ng rumaragasang mga ilog na tumatangay sa mga bahay at naglulubog sa mga sakahan at palaisdaan. Nariyan ang mga ipu-ipo na walang inililigtas na mga pananim. Nariyan ang higanteng mga alon na bigla na lamang humahataw sa mga pamayanan ng mga mangingisda sa mga baybayin. At kapag humalili na ang matinding tagtuyot, tulala ang magsasaka, tiwangwang ang lupa at halos tumigil ang buhay sa mga barrio.
Ang mga ito at ang mga kagyat at pangmatagalang pasakit na idinudulot ng malakihang dayuhang pagmimina ay lalu lamang nagpapabigat sa malaon nang nararanasang pagsasamantala at pang-aapi. Matagal nang sadlak ang mga magsasaka sa kawalan ng sarili at sapat na lupang matatamnan at bigo ang alinmang programang nagdaan na nangako ng reporma sa lupa. Tali pa rin sa kalakhan ang mga magsasaka sa umiiral na sistema ng pagpapataw ng panginoong maylupa ng di makatwirag upa sa lupa o hatian. Napakababa ng sahod ng mga manggagawang bukid. Napakataas ng interes sa mga pautang ng mga komersyante-usurero. Napakataas ng presyo ng mga kagamitan at pangangailangan sa produksyon. Napakababa ng presyo ng produkto ng magsasaka. Walang-kibo ang pamahalaan sa mga problemang ito. Todo-larga naman ang kanyang militar sa kanayunan. Hikahos, gutom at sinusupil— anupa’t gaya ng Tarsier at iba pang naturan, ang magsasaka ay lubhang nanganganib na malipol.
Subalit hindi katulad ng Tarsier at iba pang endagered specie na nanganganib na mawala dahil sa sadyang napakaliit nilang bilang, ang magsasaka ay napakarami. Mahalang masapol ng iba’t ibang sektor na tunay na nagmamalasakit sa kalikasan, na ang pinaka-tuwirang sumasalo ng pinakamasahol na epekto ng malakihang dayuhang pagmimina ay ang pinakamarami sa ating mamamayan— ang sektor o ang uring magsasaka. At kung mulat itong maisasa-konteksto sa mapang-api at mapagsamantalang kalagayang kina-iiralan ng magsasaka, higit pang magkakaroon ng matining, kongkreto at kagyat na panlipunang batayan ang paglaban sa malakihang dayuhang pagmimina at dayuhang kontrol. Ang pagtatanggol sa kalikasan ay mas mariin pang mailalapat sa lupa at makasusulong mula sa pagiging makitid na personal, sektoral o lantay na kontra-dayuhang krusada lamang, kung magkakaroon ito ng isang paninindigang maka-mamamayan o demokratiko.
HINDI KATULAD NG kawawang Tarsier na masasabi nating sadyang walang kalaban-laban sa peligrong kanyang kinasasadlakan, ang sektor ng magsasaka ay lumalaban. Napanday na ang mga magsasaka sa napakahabang karanasan sa buhay-at-kamatayang pakikibaka sa pang-aapi at pagsasamantala. Natutunan nila na tanging sa pagbubuklod at pagkakaisa lamang magiging tunay na makapangyarihang panlipunang pwersa ang kanilang malawak na hanay. Natutunan nila ang kahalagahan ng pag-aaral sa kasaysayan at ng malalim na pagsusuri sa sariling kalagayan at ng buong lipunan. Natutunan nilang kinakailangang maikipagkaisa sa iba pang api at pinagsasamantalang uri at sektor lalu na ang mga manggagawa. Ang mga aral na ito ang patuloy na gumagabay sa sektor ng magsasaka upang determinadong isulong ang iba’t ibang pakikibakang makabayan at demokratiko.
Determinado ang organisadong sektor ng magsasaka na labanan ang malakihang dayuhang pagmimina upang ipagtanggol ang kabuhayan, pagkain, kalusugan at karapatang pantao ng magsasaka. Karugtong ito ng paglaban ng demokratikong kilusan ng magsasaka sa iba’t ibang anyo ng pang-aapi at pagsasamantala ng malalaking panginoong maylupa at dayuhang kapitalista sa agrikultura, at sa kapabayaan, panunupil at karahasan ng pamahalaan. Bahagi ito ng pakikibaka para sa lupa at sa tunay na repormang agraryo.
Determinado ang organisadong sektor ng magsasaka na labanan ang malakihang dayuhang pagmimina upang ipagtanggol ang pambansang patrimonya laban sa dayuhang pandarambong. May makabayang tungkulin ang kilusan ng magsasaka (kasama ang kilusan ng manggagawa at iba pang api at pinagsasamantalahang uri at sektor), na ilantad at labanan ang anti-nasyunal na mga tunguhin ng pamahalaan at ng dayuhang kapangyarihan, na nagpapanatili sa atrasadong kalagayan ng bansa at humahadlang sa tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon. Tanging sa isang lipunang hindi pinangungubabawan ng dayuhang kapangyarihan maaari nating responsable at matalinong linangin ang ating likas na yaman para sa kapakinabangan at kaunlaran ng buong bansa.
Determinado ang organisadong sektor ng magsasaka na labanan ang malakihang dayuhang pagmimina upang ipagtanggol ang kalikasan. Sa daang taon ng araw-araw na pakikipagniig ng magsasaka sa lupa upang ito’y mapagyaman di lamang para sa sarili kundi para sa buong lipunan, matagal na niyang itinuring na kakambal ang kalikasan; pinangangalagaan, ipinaglalaban.
Umaasa ang KAPAWA na matamang pag-aaralan at tatanganan ng iba’t ibang sektor sa malapad na hanay ng mga maka-kalikasan, ang makabayan at maka-mamamayang paninindigan sa paglaban sa malakihang dayuhang pagmimina. Makaaasa naman ang hanay na ito na sa pagsusulong ng kilusang magsasaka sa iba’t ibang makabayan at demokratikong pakikibaka na isinusulong ng kilusang magsasaka, mabibigyan ng malakas na boses ang pagtatanggol sa kalikasan.
Iniimbitahan ng KAPAWA ang lahat ng tapat na environmentalist na makiisa sa mga magsasaka sa iba’t ibang aktibidad nito sa pagdiriwang ng World Foodless Day na dudulo sa isang malaking mobilisasyon sa darating na ika-16 ng Oktubre. Ipapanawagan doon ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa; ang pagkakaroon ng komprehensibong programa para sa subsidyong agraryo; ang pagpapataas sa sahod ng mga manggagawang-bukid; ang islogang “pagkain, hindi bala!”; at ang ayudang pang-agrikultura sa mga biktima ng kalamidad at peste sa pananim. At doon din, babaha ng makukulay na karatula na ang nakasulat ay: “NO TRESPASSING! BAWAL ANG MALAKIHANG DAYUHANG PAGMIMINA!”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s